| |
Raxl's posts with tag: everyday
 | Overpass | Aug 25, '08 3:32 PM for everyone |
Tuwing papasok ako sa trabaho ay dumaraan ako sa overpass na ito malapit sa Evangelista Street, EDSA, Makati. Galing ParaƱaque at galing office ay isang side lang ang inaakyatan ko. Tatawid ako papuntang kabila para sumakay ng bus na dadaan sa Boni kapag papasok. At pag-uwi, dyip na papuntang Kanan naman.
Sa umaga papuntang office, bago umakyat ng overpass ay may makikita kang nagtitinda ng dyaryong fresh na fresh galing imprenta. May mga headline ito tungkol sa bayan, mapusok na lasing, panawagan mula sa call centers, at iba pa. Mga ilang hakbang paakyat ay may batang gusgusin na nakaupo sa karton at namamalimos. Pagdating sa kalagitnaan ay may dalawa pang batang gusgusin ang isa'y tulog ang isa'y nagkakamot ng ulo. Minsan wala, minsan mayrong nauuna sa akin sa pag-akyat. Mas gusto kong wala dahil mabilis akong maglakad. Ang malas ko kapag may nauuna sa 'kin na mabagal umakyat at naninigarilyo pa, 'di ko ma-take ang usok galing sigarilyo lalo nang galing sa hininga nya!
May mga parte ng hagdan na may mga basura at meron ding may suka...madalas kanin o kaya'y noodles, eww! Siguradong hindi sanay sa biyahe ang salarin.
Pagdating sa taas may nagtitinda naman ng mga medyas, gloves, towels at cellphone cases. Mas maliwanag ang tanawin dito, kita ang haba ng traffic o ang paparating na MRT.
Pagbaba ay may makikitang suka ulit...malamang continuation ito nung unang batch ng noodles/kanin. Mga plastic cups, plastic bags, candy wrappers ay nagkalat din tulad sa kabilang side. May karagdagang tanawin, di ko lang mawari kung plemang namumuo o bubble gum na kulay phlegm green. May lubak din sa overpass kaya may mga lugar na may tubig at maputik. Pagka-landing mo sa kabila ay nagtitinda naman ng mga candy, mineral water, softdrinks ang sasalubong sa 'yo. Parang sari-sari store na maliit ang tindahan nila pero mas maraming tinda kaysa takatak boys.
Pag-uwi nama'y madadagdagan ng nagtitinda ng lugaw sa isang sulok na dinudumog. Minsan nga'y gusto ko ring subukan pero 'di ako sigurado sa kalinisan. Wala na ang mga batang namamalimos. Nagkaron naman ng magnobyong nagbubulungan. Ang nagtitinda ng medyas ay napalitan na ng nagtitinda ng mga p-DVDs. Nagkaron na rin ng magbabalut sa pagbaba. Nabawasan ng konti ang basura, baka hinangin na. Wala nang sukang noodles/kanin, malamang na-wash away na ng ulan.
Sari-saring tao ang dumadaan at tumatambay sa overpass. May kanya-kanyang kwento ng paghihirap at pagsusumikap. Ang mga basurang nagkalat ay may kwento din. Ang overpass na ito ay tulad ng buhay, marami kang madadaanan, makakasabay, iiwasan at tatanawin. Matututo ka ring mag-skip-hop-step para maiwasan ang mga 'patibong' nito.
| |
|